Ang Ika-6 na Distrito ng Kansas City ay umaabot mula sa Country Club Plaza hanggang sa hangganan ng Cass County. Sa paparating na mga halalan para sa Konseho ng Lungsod, ang dating mambabatas ng Jackson County na si Dan Tarwater at ang manggagawa sa nonprofit para sa mga beterano na si Johnathan Duncan ay naglalaban para sa bakanteng puwesto.
Ang labang ito ay kumakatawan sa mas malawak na tensyong politikal sa Kansas City sa pagitan ng mga progresibo na tinatanggihan ang kasalukuyang status quo at nais ang isang Kansas City na nagbibigay-priyoridad sa mga pangangailangan ng mga pinakabulnerableng residente nito, at ng mga nagsusulong ng mas katamtamang mga solusyon.
Sina Duncan at Tarwater ang dalawang nakakuha ng pinakamataas na bilang ng boto sa primaryang halalan ng lungsod noong Abril. Nakakuha si Tarwater ng 45% ng boto, habang si Duncan naman ay nakakuha ng 24%.
Nagsilbi si Tarwater sa Jackson County Legislature mula 1994 hanggang 2022. Sinabi niya na nais niyang dalhin ang kanyang karanasan sa lehislatura sa Konseho ng Lungsod.
“Hindi na makontrol ang antas ng krimen natin ngayon,” sabi ni Tarwater. “Ang ating mga kalye, bangketa, kalsada — kailangan nilang lahat ng pagsasaayos.”
Si Duncan ay isang beterano ng giyera sa Army na nagsilbi sa Iraq. Siya ngayon ang Administrative Operations Director sa Veterans of Foreign Wars, isang nonprofit na organisasyon para sa serbisyo ng mga beterano. Nag-oorganisa si Duncan kasama ang unyon ng mga umuupa sa buong lungsod na KC Tenants sa nakalipas na tatlong taon. Sinasabi niya na ang bawat taong naninirahan sa Kansas City ay karapat-dapat na manatili.
“Kapag tinitingnan natin ang mga pangangailangan sa ating lungsod, marami sa mga ito ang hindi matutugunan maliban kung mayroon kayong tahanan,” sabi ni Duncan. “May mga taong nagsasalita tungkol sa pagpapatira ng mga tao sa mga kulungan at parang hindi iyon tama para sa akin.”
Kabilang sa mga nag-endorso kay Duncan ang KC Tenants Power, ang sangay sa politikal na pagla-lobby ng KC Tenants; ang sangay sa Kansas City ng Our Revolution; ang Pro-Choice Missouri; ang Sierra Club at ang Teamsters Local 41.
Si Tarwater ay inendorso ng Fraternal Order of Police, Firefighters Local 42 at Northland Strong.
Sinasabi ni Duncan na dapat pondohan ng publiko sa pamamagitan ng lungsod ang pabahay at ipaupa ito nang mas mababa sa presyo sa merkado, sa halip na magbigay ng pera ng lungsod at mga bawas-buwis sa mga developer na naniningil ng upa na hindi abot-kaya para sa maraming residente.
“Kailangan nating mamuhunan sa ating mga komunidad upang aktwal na makapagtayo ng pabahay na kayang bayaran ng mga tao,” sabi niya.
Sinabi ni Tarwater na sinusuportahan niya ang “pagtulong sa mga tao na tulungan ang kanilang sarili.”
“Sa ngayon, kailangan nating pabalikin ang mga tao sa trabaho,” sabi ni Tarwater. “Kailangan nating pagtrabahuhin ang mga tao sa iba't ibang lugar ng konstruksiyon, mga trabaho sa unyon na may magandang pasahod.”
Hindi rin nagkasundo sina Duncan at Tarwater tungkol sa mga reparasyon para sa mga Itim na mga taga-Kansas City. Kamakailan ay nagtalaga si Alkalde Quinton Lucas ng 15 miyembro sa Mayor’s Commission on Reparations upang pag-aralan kung ano ang magiging anyo ng mga reparasyon para sa mga Itim na residente ng Kansas City.
“Sa tingin ko, kapag tiningnan ninyo ang paglipat ng yaman na nangyari mula sa ating mga komunidad ng mga Itim, kailangan nating muling mamuhunan sa mga komunidad na iyon,” sabi ni Duncan. “Kaya susuportahan ko ang mga reparasyon at direktang tulong-pinansyal sa ating mga komunidad ng mga Itim.”
Hindi nagpahayag si Tarwater ng suporta para sa mga direktang bayad sa mga Itim na residente.
“Sa tingin ko makakatulong kayo sa pamamagitan ng pagtuturo sa isang tao kung paano mangisda sa halip na bigyan sila ng isda, kaya mas gusto ko itong gawin sa pamamagitan ng mga abot-kayang pautang at iba pang bagay na makakatulong sa kanila na magsimula ng isang independiyenteng negosyo,” sabi niya.
Sinabi ni Duncan na dapat mamuhunan ang lungsod sa mas maraming mapagkukunan ng komunidad sa halip na sa mga kulungan. Kasalukuyang pinagtatalunan ng Kansas City kung gagastos ba ng $1.5 milyon para magdisenyo ng isang bagong kulungang munisipal.
Hindi naniniwala si Duncan na dapat kumuha pa ng mas maraming opisyal ang departamento ng pulisya, at naniniwala siya na dapat pondohan ng lungsod ang mga programang nakatuon sa mga ugat ng krimen. Sinusuportahan niya ang muling pagpapatupad ng patakaran na dapat sa Kansas City nakatira ang mga opisyal ng KCPD; nagpasa ang Board of Police Commissioners ng patakaran noong nakaraang taon na nagpapahintulot sa mga opisyal ng KCPD na tumira sa Kansas.
“Kailangan natin ng mga trabahong may sapat na sahod para umunlad. Kailangan natin ng pabahay,” sabi ni Duncan. “Iyan ang dahilan kung bakit ako nakilahok sa KC Tenants – dahil ang pagbibigay ng pabahay at talagang tunay na abot-kayang pabahay at ang pagpapatatag ng ating mga kapitbahayan ay pag-iwas sa karahasan. Kailangan ng ating mga komunidad ng mas maraming oportunidad.”
Sinabi ni Tarwater na kailangan ng KCPD ng mas maraming opisyal. Sinabi niya na hindi niya sinusuportahan ang patakaran sa paninirahan dahil sa hirap ng pagpuno sa mga posisyon.
“Kailangan nating magkaroon ng mga opisyal doon dahil kailangan nilang magpatrolya sa labas,” sabi niya. “Kailangan nating gawin ang pagpapatrolya nang naglalakad. Maaari pa nga nating ibalik ang pagpapatrolya nang nakasakay sa kabayo sa downtown at gawing mas ligtas ang ating mga kalye.”
Ang pang-anim na puwestong pang-distrito, pati na rin ang lahat ng 11 iba pang puwesto sa Konseho ng Lungsod, ay pagbobotohan sa Hunyo 20. Ang mga botante ng Kansas City sa Jackson County ay maaaring suriin ang kanilang pagpaparehistro ng botante at hanapin ang kanilang lugar ng botohan sa website ng lupon ng halalan. Kung nakatira kayo sa Clay County, pumunta sa website ng Board of Election Commissioners. Ang mga botante ng Platte County ay maaaring tumingin sa website ng Board of Elections.


