Humigit-kumulang 200 katao ang nagtipon noong Sabado sa downtown Kansas City para sa paglulunsad ng KC Tenants Power, isang kapatid na organisasyon ng KC Tenants na nagdiwang ng ilang tagumpay simula nang mabuo ito noong 2019.

Ang KC Tenants Power ay magtutuon sa edukasyon at pagbuo ng kapangyarihang pampolitika.

Ang mga tagasuporta, na marami ang nakasuot ng dilaw na T-shirt ng KC Tenants, ay nag-chant sa Ilus Park at humawak ng mga karatula na may nakasulat na “Masyadong mataas ang upa” (“The rent is too damn high”) at “Ang ating lungsod ang ating kinabukasan” (“Our city our future.”)

Ang ilang mga nagsalita sa rally ay nagpahiwatig ng pagtakbo para sa Konseho ng Lungsod.

Sinabi ni Johnathan Duncan, na nakatira sa Ikaanim na Distrito, na ang posibilidad ay “tiyak na nasa isip ko” at sinusuportahan niya ang “magkatuwang na pamamahala.”

“Gusto kong makita ang mga pinuno ng ating lungsod na sumusunod sa gabay ng mga taong inihalal silang paglingkuran,” sabi niya. “Kapag ang mga pinuno ng ating lungsod ay nagpasa ng mga ordinansa na nagpapaalis sa atin, dapat silang managot sa mga taong iyon.”

Sa gitna ng mga sigaw mula sa KC Tenants, noong Agosto ay pinaluwag ng Konseho ng Lungsod ang mga kinakailangan para sa mga developer upang gumawa ng abot-kayang pabahay sa pamamagitan ng pagtatakda sa abot-kaya bilang halos $1,200 kada buwan para sa isang one-bedroom apartment.

Sinabi ng mga pinuno ng KC Tenants Power noong Sabado na mag-oorganisa ang grupo ng mga listening session at mag-eendorso ng mga kandidato sa politika sa mga susunod na halalan. Nagsalita si Denise Brown tungkol sa kanyang suporta para sa isang $50 milyong bond initiative para sa Housing Trust Fund ng lungsod na mapapasama sa balota sa Nobyembre.

Noong nakaraang buwan, sinabi sa isang ulat ng lungsod na mayroong kakulangan na 27,000 unit para sa mga umuupa na kumikita ng 30% ng average median income o mas mababa pa.

“Kakatok kami sa 25,000 na pinto para maipasa ang bond na iyan,” sabi ni Brown. “Kapag nanalo tayo, linawin natin, ang mga tao ang nakakuha ng mga pondong iyan at dapat ang mga tao rin ang magpasya kung paano ito gagastusin.”

Sinabi ni Daj Moreland sa mga tao na gusto niyang tumira sa isang lungsod kung saan may access siya sa pabahay na hindi nangangailangan ng kalahati ng kanyang sahod.

“Isang lungsod kung saan ang mga nasa kapangyarihan ay mga taong katulad ng aking mga kapitbahay, mga taong dumanas ng aking pakikibaka at lumalaban para sa sampu-sampung libong tao na katulad ko, na katulad natin,” sabi niya. “Nandito ako ngayon dahil naniniwala ako na inilalapit ako ng KC Tenants Power nang isang hakbang sa pangarap na iyon.”

Sinabi ni Duncan na nagbibigay sa kanya ng pag-asa ang pagiging bahagi ng KC Tenants Power.

“Sa ngayon, naniniwala ako na kung magpapatuloy ang ating lungsod sa ganitong landas, ang mga batang lumalaki ngayon ay hindi na makakatira pagtanda nila sa mga komunidad kung saan sila lumaki. ... Umaasa ako na mapipigilan natin itong mangyari, na ang bawat isa sa lungsod na ito, na gustong manatili sa lungsod na ito ay magkakaroon ng matitirhan,” sabi niya.

Ang KC Tenants ay binuo noong Pebrero 2019. Mula noon, naging matagumpay ang grupo sa pagpapasa ng Right to Counsel para sa mga umuupa, tumulong na maantala ang mga pagpapaalis sa bahay noong pandemya at nagtipon ng mahigit 4,300 na miyembro sa isang unyon sa buong lungsod.

Nagsalita si Diane Charity sa event ng KC Tenants Power na tinawag na TENANT TAKEOVER noong Sabado sa Ilus Park, 1000 Locust St.
Nagsalita si Diane Charity sa kaganapan ng KC Tenants Power na tinawag na TENANT TAKEOVER noong Sabado sa Ilus Park, 1000 Locust St.Susan Pfannmuller Espesyal para sa The Star